Hindi pa man sumisikat ang araw, bago pa man magsimula ang bukang-liwayway, gising na ang isang ina, suong ang batyang puno ng damit na babanlawan niya sa lawa. Kagabi pa nya natapos sabunin sa kanyang mga kamay ang bawat piraso ng damit na pinalabhan sa kanya ng kapit-bahay. Ang perang kikitain niya sa paglalabada ay ipandaragdag sa kita ng asawang nagtatrabaho bilang isang karpintero. Hindi na niya muna ginising ang mga anak na mahimbing pang natutulog upang sya ay samahan patungo sa lawa sa kabila ng dilim na kasalukuyan pang bumabalot sa paligid. May kalayuan din ang lawa na kanyang lalakarin, kaya kahit madilim pa, nakahahanga ang tapang niyang lumusong sa tubig upang isa-isang mabanlawan at matapos kaagad ang mga labada. Bago pa man sumikat ang araw, naisampay na niya ang mga damit, hihintaying matuyo at pagkatapos ay paplantsahin.
Pagkatapos asikasuhin ang mga damit, bumili na siya ng tinapay na almusal ng mga anak. Inasikaso na rin niya ang damit na isusuot ng mister at uniporme ng mga anak na papasok sa eskwela. Naghanda na rin siyang magluto ng pananghalian para sa buong mag-anak. Ilan pa lamang yan sa mga gawaing niya araw-araw. Meron pa rin siyang lilinisan ng kuko sa hapon. Isa rin kasi syang manikurista. Kilala na sya sa lugar at marami-rami na rin syang sinerbisyuhan hanggang sa karatig-barangay.
Hindi lang iyan ang trabaho nyang kayang gawin. Nagsilbi rin syang isang mananahi ng mga damit noon, ang una niyang naging trabaho sa Maynila kung saan niya nakilala ang kanyang naging asawa. Mayroon din silang maliit na ikinabubuhay, ang pagbubulaklak. Ang pagbubulaklak o artificial flower-making ay isa sa mga pinagkukunan ng ikinabubuhay ng mga tao doon sa kanilang lugar. Ito ay isang masinsinang trabaho kapalit ang maliit na kita.
Sa kahirapan ng buhay , naging kubrador din siya ng lotto sa kanilang lugar at dala ng kagipitan, pati ang ipinagbabawal na jueteng ay pinasok na nya rin. Bagamat lubhang tinututulan ng mga anak ang delikadong trabaho, mahirap man tanggapin, hindi naman daw niya kayang makitang nagugutom ang kanyang pamilya. Kaya kahit ipinagbabawal ng batas, palihim pa rin siyang naging kubrador ng “jueteng”. Madalas din siyang kasama ng asawa at nga anak na lalaki sa gubat upang mangahoy. Kaya rin niyang magsibak ng mga panggatong. Naging kasambahay rin siya noon at nag-alaga ng mga bata para lamang kumita at matustusan nilang mag-asawa ang araw-araw na gastusin sa pagkain at pag-aaral ng mga anak.
Ilan din lamang ito sa pagtitiis na kanyang hinarap upang maitaguyod nilang mag-asawa ang pamilya. Marahil iisipin mo kung paano ko siya nakilala. Simple lang. Siya kasi ang aking dakilang ina. Siya ang aking ina na pumapalo samin nung mga bata pa kami dahil sa kakulitan at katigasan ng ulo. Siya ang ina na nakakabingi at nakakainis ang ingay sa paulit-ulit na pagsesermon sa amin. Siya ang ina na nagturo sa amin noong mga bata pa kami ng gawaing-bahay at kung paano ito gagawin ng tama. Siya ang ina na mas sumuporta sa akin noong kasalukuyan akong nangangarap magkapag-aral sa kolehiyo. Siya ang ina na gumagawa ng paraan kung kailangan ko ng pera para sa mga projects at iba pang gastusin ko sa paaralan. Siya ang ina na aking kakampi sa pagharap sa buhay kong tinatahak. Siya ang ina na nagsilbing gabay ko sa mga hamon ng kung minsa’y mapagbiro at magulong buhay. Utang ko sayo ang bawat hininga at ang aking kasalukuyang kinatatayuan. Bagamat kung minsan ay may mga hindi pagkakaunawaan, ikaw pa rin ang inang aking patuloy na mamahalin at susuportahan. Alam kong kulang pa rin ang aking pasasalamat sa mga hirap at pagtitiis na iyong isinakripisyo para sa aming lahat. Hayaan mong sabihin ko pa rin sa iyo ito, “Maraming salamat sa patuloy na pagmamahal at pag-aalaga. Pipilitin kong paglingkuran ka sa abot ng aking makakaya sa panahong kakailanganin mo na an gaming atensyon at pag-aalaga. Nag-iisa ka para sa akin, isa kang dakila, HAPPY MOTHERS DAY, Nanay. Mahal na mahal kita.”
Tulad ng isang labandera, itinaguyod mo ang ating pamilya upang maging malinis ang lahat kabilang ang ating pangalan. Tulad ng isang mananahi, sinikap mong pagtagpi-tagpiin ang aking mga pangarap na akala ko noo’y mahirap buuin. Tulad ng isang kubrador, itinaya mo ang sariling kaligtasan upang matustusan ang aming pangangailangan at mapabuti ang aming kalagayan. Tulad ng isang manikurista, tinanggal mo ang maliliit na dumi na nagsusumiksik sa ating munting paligid. Tulad ng panggatong na binuhat mo sa iyong balikat, ito ay nagsilbing ningas at gabay sa bawat pangarap na ating binubuo. At tulad ng isang magbubulaklak, ginawan mo ng paraan na mapaganda ang aming kinabukasan.
Maraming ina sa mundo, pero mahirap ang magpaka-ina, mahirap ang gampanan ang tungkulin na tanging mga ina lang ang nakagagawa. Salamat sa pagiging isang mabuting nanay para sa amin.
No comments:
Post a Comment